Maynila

Wrote a short verse while on my way to work this morning. Magandang umaga! 😊

The photo was taken along Jones Bridge, Manila, Philippines and was post-processed by yours truly.

Paalam

tumblr_nrl3vw0dps1s1jug6o1_1280.jpg

Umasa ako na maaari pang ayusin,
Dahil sabi mo, ika’y nariyan pa rin;
Ngunit nang ako’y mapuwing,
Ang katotohana’y lumabas din.

Ang sabi mo’y hindi pa panahon,
Pwedeng bukas tayo umahon,
Pwedeng makita ang araw pagtapos ng ambon,
Pwedeng kayaning malagpasan ang alon.

Ngunit walang katotohanan ang iyong mga sinabi,
Dahil ang totoo’y iba na bigla ang iyong katabi;
Ang mga halik mo’y para na sa ibang labi,
At hindi na para sa akin ang iyong mga ngiti.

Tunay ngang lalabas ang katotohanan,
Tatapakan ang lahat ng mga kasinungalingan;
Kaya ngayon, ako ay iyong hayaan,
Sapagkat nakuha ko na ang aking kalayaan.

Malaya na ako sa ginawa mong kwento,
Na hanggang sa huli’y inisip mo pa rin ang ikabubuti ko;
Malaya na ako sa isang katulad mo,
Na sinayang lamang ang tiwalang ibinigay ko.

Malaya na ako sa pagpapakatanga,
Malaya na ako sa kakarampot na pag-asa;
Hindi na rin ako magpapakalugmok pa,
Dahil hindi ka karapat-dapat sa aking mga luha.

Aanhin ko ang isang taong bumigay,
Sa tuksong sumisira ng lahat ng bagay;
Kaya ngayon, ako man sa’yo ay nasanay,
Ramdam kong di na kita kailangan sa aking buhay.

Paalam sa iyo, at salamat sa lahat,
Sa pagmamahal, na para sa iyo’y hindi naging sapat,
Sa pinagsamahang tamis, pait at alat,
Tandaan mo, inibig kita ng tapat.

Ngunit kung para sa iyo’y madali lang itong itapon,
Talikuran, ipalit sa iba ang kahapon,
Marahil ito na nga ang panahon,
Ang katapusan ng ating ngayon.

Photo from Google

Isang Tula Pa

Noong unang Pasko
na magkasama tayo,
Binigyan mo ako
ng isang munting kwaderno
dahil alam mong
gustong gusto kong magsulat.

Kaya kahit ganito,
isang pagsubok ang sa atin
ay dumating,
magsusulat pa rin ako.

Isang tula pa,
dahil ang mga pahina
ng munting libro na ito
ay para sa iyo.

Isang tula pa,
dahil may isa ka pang
kwadernong ibinigay
noong nakaraang
kaarawan ko.

Isang tula pa,
dahil naniniwala ako
na hindi ito ang iyong paglisan.

Isang tula pa,
Hanggang magbalik ka,
at isang tula pa,
Hanggang sabihin mo muli’ng,
“Mahal kita.”

Akala Ko

315_Heartbreak Bridge_Jackie

Ang sabi mo sa akin,
“Kakayanin.
Kahit anong mangyari,
kakayanin.”

Naniwala ako.
Naniwala ako sa lahat ng mga sinabi mo,
Sa lahat ng mga pangako mo
Dahil alam kong hindi ikaw yung taong walang paninindigan.

Pero bakit bigla na lang?
Noong isang araw,
Buong buo ka pang akin.
Noong isang araw,
Hindi pa mapigilan ang iyong ngiti nang ako’y dumating.
Noong isang araw,
Hindi mo pa ako halos pakawalan sa pagkayakap mo sa akin.
Noong isang araw,
Ikaw pa mismo ang nagsabing,
“Balang araw,
Hindi na natin kailangang magpaalam pa.
Hindi na natin kailangang mahirapan pa
Dahil tayo’y magkakasama na
At hindi na mapaghihiwalay pa.”

Oo, naniwala ako sa’yo.
Naniwala ako sa lahat ng mga sinabi mo.
Binuksan ko ang buo kong pagkatao
Para makita mong wala ako sa’yong itinatago
At mapatunayan kong
Walang ibang nilalaman ang puso ko.

Masakit.
Ikaw yung unang nagsabing,
“Mahal kita.”
Pero bakit ikaw din ang unang nagsabi na
“Ayoko na?”
Gusto mo ba talagang laging nauuna?

Pero naniniwala pa rin ako sa’yo.
Sa lahat nang sinabi mo noon na hindi ka susuko.
Sa lahat nang sinabi mo na kakayanin natin kahit na ano.
Naniniwala ako
Na pagsubok lang ito.
Dahil ngayon pa ba?
Ngayon pa ba na ikaw at ako ay masasabi mo nang iisa?
Na sa dami ng pinagdaanan natin,
Andito pa rin ako at andito ka pa?

Pero wala ka na.
Wala ka na.
Akala ko panghahawakan mo yung mga sinabi mo,
Pero wala ka na.

Akala ko hindi ka lalayo,
Pero nagpaalam ka.
Akala ko matibay tayo,
Pero bumitaw ka.
Akala ko hindi mo ako pakakawalan,
Pero tumigil ka.
Tumigil kang lumaban.
Tumigil kang ipaglaban ako
Na akala ko gagawin mo hanggang sa dulo.

Akala ko kakayanin natin,
Pero hindi pala.
Kahit sinabi kong maghihintay ako,
Kahit sinabi kong gagawin ko ang lahat at andito lang ako sa tabi mo,
Anong magagawa ko kung sinabi mong
Ayaw mo na?
Sobrang sakit nung sinabi mong,
“Ayoko na.”

Akala ko kasi kaya pa.
Akala ko kasi hindi ka susuko.
Akala ko lang pala ang lahat.

Pero hindi kita masisisi.
Hindi ko masisisi dahil lahat sa paligid nilalayo ka sa akin,
At nilalayo ako sa’yo.
Buong mundo ay ayaw kang maging sa akin,
At ayaw akong maging sa’yo.
Lahat ng pagkakataon,
inilalayo ka sa akin,
at inilalayo ako sa’yo.
Ang bigat.
Ang bigat na mahal mo ako at mahal kita,
Pero hindi sapat ang pagmamahal na iyon
Para hanggang sa huli ay tayo pa ring dalawa.
Ang bigat na kailangan mong mamili,
Ako o ang kinabukasan mo,
At hindi ako ang dapat mong piliin
Dahil hindi pwede.
Hindi pwede sa ngayon.
At baka hindi na rin pwede bukas.

Pero sinubukan natin,
At kinaya natin.
Kinaya natin ng matagal na panahon.
Pero baka napagod ka na.
Napagod ka na dahil wala talagang kasiguraduhan sa ating dalawa.
Na kapag pinili natin ang isa’t isa,
May mga bagay na kailangan nating bitawan,
Pero sa ngayon,
Ang pinaka-tamang gawin
Ay bitawan ang isa’t isa.

Nasanay ako na andito ka palagi sa tabi ko,
Nasanay ako na sa’yo ako tumatakbo pag umiiyak ako,
Hindi yung ikaw ang iiyakan ko,
Nasanay ako.

Masakit nang sinabi mong,
“Ayoko na,”
Pero mas masakit nung sinabi mong sumunod na
“Nandito pa rin ako.”
Mas masakit nung sinabi mong,
“Sana maintindihan mo.”
Mas masakit nung sinabi mong,
“Ingat ka,”
Pero wala nang kasunod na
“Mahal kita.”
Mas masakit nung sinabi kong,
“Handa akong maghintay,”
Pero sumagot kang,
“Hindi natin alam kung anong pwedeng mangyari bukas.”

Akala ko kakayanin mo,
Akala ko kakayanin natin.
Akala ko lang pala ang lahat.
Akala ko lang.

 

/*Photo from Google Images*/

Alam Ko

image
Imahe mula sa Google

Alam ko ang ningning ng iyong mga mata
Sa tuwing tayo’y nagkikita;
Alam ko ang hugis ng iyong ilong
Kahit sa aking pisngi ka bumulong;
Alam ko ang tamis ng iyong halik
Lalo na sa panahon ng pananabik;
Alam ko ang init ng iyong mga yakap
At higpit ng bisig mong aking hinahanap-hanap;
Alam ko ang lalim ng iyong tinig
Sa lambing at sa galit at sa panginginig;
Alam ko ang haplos ng iyong mga kamay
Sa liwanag man o sa dilim magkamalay;
Alam ko ang hawi ng iyong buhok, ang iyong amoy,
Ang paghilik mo sa pagtulog, ang iyong iyak,
Ang mga halakhak mong kasiyahan ang hagod;
Alam ko, kahit ako’y walang malay, alam ko,
At kailanma’y hindi ko iyon malilimutan.