Natatakot Ako

Natatakot ako.
Natatakot ako hindi sa kahapon, hindi sa ngayon, hindi sa bukas.
Natatakot ako sa hindi ko maipaliwanag na dahilan na ang panahon lamang ang makapagsasabi.
Natatakot ako sa panahong maaaring ang kahapon, ngayon o ang bukas lang ang makapagbibigay ng kasagutan sa mahigit isang libong tanong na tumatakbo sa aking isipan.

Natatakot ako.
Natatakot ako dahil mula ulo hanggang paa, mula loob hanggang labas, ako’y iyo,
Ako’y iyo.
Mula sa kahapon kong mapait dahil sa ilang beses na sakit,
Sa ilang beses na pangiiwan na aking sinapit,
Ako’y iyo dahil mula nang ang ngayon ay dumating na ikaw ang kasama,
Ikaw – ikaw na ang nagbigay ng ligaya,
Ikaw – ikaw na ang nagbigay ng ilaw sa dilim na kaytagal na bumalot sa akin,
Ikaw.

Natatakot ako dahil sa dami ng aking nakilala,
Sa ilang ulit na ako’y nagmahal ay ikaw lamang ang nagpakita,
Ikaw lamang ang nagparamdam ng tunay na pagmamahal,
Ikaw lamang ang nagbigay ng haplos na nagbigay ng init sa lamig na bumabalot sa aking puso pero natatakot ako.

Natatakot ako dahil ang pusong ito na nasanay sa pagiisa,
Ang pusong ito na nakulong sa pagiyak dahil sa paulit-ulit na pagtaboy sa pag-ibig na inalay,
Ang pusong ito ngayon ay nalulong sa iyo;
Sa iyo na tanging minahal ko nang ganito,
Sa iyo na nagbura sa lahat ng pagkakamali ng pusong durog at basag,
Sa iyo na hindi kailanman sumuko na muling magpinta ng mga ngiti na matagal nawala sa aking mga mata,
Ako’y iyo pero natatakot ako.

Natatakot ako dahil sa labis mong pagmamahal na minsan ay hindi ako siguradong aking masusuklian,
Ngunit alam kong higit sa pagmamahal na aking naipapakita sa iyo ang nasa loob ko pero natatakot ako.
Natatakot akong muling magbigay nang labis at walang matanggap na kapalit.
Natatakot ako dahil sa tuwing tinatanong ko kung mahal mo ako,
Ang iyong sagot ay, “Oo,
Buong buhay at buong puso,
Oo, ako’y iyo.”
Kaya natatakot ako.

Natatakot akong dumating ang araw,
Na sa paggising ko ay naroon ka,
Naroon ka pero wala na.
Natatakot ako na nasa tabi kita ngunit wala na.
Natatakot ako na sa kagustuhan kong marinig ang mga salitang sa akin ay lalong magpapahulog,
Sa pagtatanong kung “Mahal mo ba ako?”
Natatakot akong titig na lamang sa mata ang aking makuha,
At hindi ka na sasagot.

Natatakot akong hindi ka na sumagot,
At saka ka tatalikod,
At wala na.
Natatakot ako.


P.S. Gusto kong subukan ang Spoken Word Poetry sa sinulat kong ito. Nawa’y mabigyan ako ng pagkakataon balang araw.

Alam Ko

image
Imahe mula sa Google

Alam ko ang ningning ng iyong mga mata
Sa tuwing tayo’y nagkikita;
Alam ko ang hugis ng iyong ilong
Kahit sa aking pisngi ka bumulong;
Alam ko ang tamis ng iyong halik
Lalo na sa panahon ng pananabik;
Alam ko ang init ng iyong mga yakap
At higpit ng bisig mong aking hinahanap-hanap;
Alam ko ang lalim ng iyong tinig
Sa lambing at sa galit at sa panginginig;
Alam ko ang haplos ng iyong mga kamay
Sa liwanag man o sa dilim magkamalay;
Alam ko ang hawi ng iyong buhok, ang iyong amoy,
Ang paghilik mo sa pagtulog, ang iyong iyak,
Ang mga halakhak mong kasiyahan ang hagod;
Alam ko, kahit ako’y walang malay, alam ko,
At kailanma’y hindi ko iyon malilimutan.

Hindi ako, dahil

Hindi ako susuko.
Hindi ako susuko dahil ang pagsuko ay pagtalikod sa lahat ng mga sinumpaang pangako;
Hindi ako susuko pagka’t sabi mo’y sabay nating haharapin ang umaga kahit na ito’y mahirap mabuo.

Hindi ako aalis.
Hindi ako aalis dahil ang pagalis ay paglayo sa pinangarap na bukas na hindi lumihis;
Hindi ako aalis pagka’t magkasama nating buburahin ang mapait na nakaraan at papalitan ito ng mga alaalang kaytamis.

Hindi ako bibitaw.
Hindi ako bibitaw dahil ang pagbitaw ay pagpatay ng gumagabay sa ating ilaw;
Hindi ako bibitaw pagka’t sa gabing madilim ay alam kong ikaw ang aking tanglaw.

Hindi ako susuko,
Hindi ako aalis,
Hindi ako bibitaw;
Sapagkat ako’y iyo,
Sa pagmamahal na kalabis-labis,
Ang init ng pusong maginaw.